Unang kaso ng Brazil coronavirus variant, na-detect sa Spain
MADRID, Spain (AFP) — Kinumpirma ng mga awtoridad sa Madrid, ang unang kaso sa rehiyon ng Brazilian variant ng coronavirus, na pinangangambahang higit na nakahahawa,
Ayon sa pahayag ng regional government ng Madrid, isang 44-anyos na lalaki na dumating sa Madrid airport noong Enero 29, ang nagpositibo sa COVID-19 at kinumpirma ng resulta ng kaniyang lab tests na ito ang bagong strain.
Ang naturang kaso ang una sa Spain, at isinisisi ito sa lubhang pagtaas sa bilang ng infection sa Brazilian city ng Manaus.
Ang anunsyo ay ginawa tatlong araw matapos higpitan ng Spain ang airport arrivals galing sa Brazil at South Africa, upang mapigilan ang pagkalat ng bagong strain.
Mula sa huling bahagi ng Disyembre, ay hinigpitan na rin ng Mdrid ang arrivals galing Britain dahil sa pagkakadiskubre ng isang bagong virus strain doon noong nakalipas na taon.
Nangangamba ang mga health authority, na ang bagong strains ng virus ay maaaring mas mabilis na makahawa o may taglay na mutation na hindi tatablan ng epekto ng bakuna.
Hindi bababa sa dalawang kaso ng South African variant ang na-detect sa Spain at nasa 450 kaso ng British variant.
Isa ang Spain sa grabeng tinamaan ng pandemya, kung saan nakapagtala rito ng higit 61,000 namatay mula sa halos tatlong milyong kaso.
© Agence France-Presse