Unang kaso ng Brazil coronavirus variant, na-detect sa US
WASHINGTON, United States (Agence France Presse) — Kinumpirma ng Estados Unidos, ang unang kaso nila ng coronavirus variant na kamakailan ay lumitaw sa Brazil.
Ayon sa Minnesota Department of Health . . . “Public Health Laboratory has found the variant of the SARS-CoV-2 virus known as the Brazil P.1 variant in a specimen from a Minnesota resident with recent travel history to Brazil.”
Ang pasyente, na residente ng Twin Cities metro area ng Minneapolis at Saint Paul, na nagpositibo sa COVID-19 sa unang bahagi ng Enero, ay pinayuhang mag-isolate. Lumitaw sa karagdagang laboratory information, na ang kaso ay Brazil variant.
Sinabi ni state epidemiologist Ruth Lynfield, na ang nabanggit na kaso, maging ang pagkakadiskubre sa tatlong kaso ng British coronavirus variant sa Minnesota sa nakalipas na ilang linggo, ang nagpapatibay kung bakit napakahalaga na hangga’t maaari ay limitahan ang pagbiyahe habang may pandemic pa.
Nitong Lunes, ay muling nagpatupad ng travel ban si US President Joe Biden, sa halos lahat ng non-US citizens na galing Britain, Brazil, Ireland at karamihan ng mga bansa sa Europe.
Pinalawig din niya ang ban sa travelers na kamakailan lang ay nanggaling sa South Africa, sa harap na rin ng mga babala na may bago at mas nakahahawang coronavirus variants na naglilitawan na sa Estados Unidos.
Nitong nakalipas na linggo ay hinigpitan ng bagong pangulo ng America ang kautusan sa pagsusuot ng face mask, at nag-atas din na isailalim sa quarantine ang mga magtutungo sa Estados Unidos, sa pagnanais na tugunan ang lumalalang krisi sa COVID-19 sakanilang bansa.
Ayon sa tally ng Johns Hopkins University, higit 25 milyong COVID-19 cases na ang naitala sa US mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Liza Flores