Unang kaso ng H5N8 avian flu sa tao, nadiskubre sa Russia
MOSCOW, Russia (AFP) — Nadiskubre ng mga siyentipiko sa Russia, ang kauna-unahang kaso sa buong mundo ng transmission ng H5N8 strain ng avian flu mula ibon patungo sa tao, kayat inalerto na nila ang World Health Organization (WHO).
Sinabi ni Anna Popova, pinuno ng Rospotrebnadzor, health watchdog ng Russia, na inihiwalay ng mga siyentipiko sa Vektor laboratory ang genetic material ng strain mula sa pitong mga manggagawa sa isang poultry farm sa southern Russia, kung saan nakapagtala ng outbreak sa mga ibon noong Disyembre.
Aniya, hindi naman nakaranas ang mga manggagawa ng anomang “serious health consequences.” Pinaniniwalaan na nakuha ng mga ito ang virus mula sa mga inaalagaan sa poultry farm.
Ayon kay Popova . . . “Information about the world’s first case of transmission of the avian flu (H5N8) to humans has already been sent to the World Health Organization.”
Mayroong iba’t-ibang subtypes ng avian influenza viruses.
Bagama’t ang lubhang nakahahawang H5N8 strain ay nakamamatay para sa mga ibon, hindi pa napaulat na ito ay naisalin sa tao.
Pinuri naman ni Popova ang aniya’y “the important scientific discovery,” sa pagsasabing “ “time will tell if the virus can further mutate.”
Dagdag pa nito . . .“The discovery of these mutations when the virus has not still acquired an ability to transmit from human to human gives us all, the entire world, time to prepare for possible mutations and react in an adequate and timely fashion.”
Samantala, kinumpirma ng WHO na sila ay inalerto ng Russia tungkol sa naturang development.
Ayon sa isang tagapagsalita ng WHO . . . “We are in discussion with national authorities to gather more information and assess the public health impact of this event. If confirmed, this would be the first time H5N8 infects people.”
Binigyang diin naman ng organisasyon, na ang Russian workers ay pawang “asymptomatic” at walang napaulat na human-to-human transmission.
Ang tao ay maaaring mahawaan ng avian at swine influenza viruses, gaya ng bird flu subtypes A(H5N1) at A(H7N9), at swine flu subtypes gaya ng A(H1N1).
Ayon sa WHO, karaniwang nahahawa ang tao sa pamamagitan ng direct contact sa mga hayop o kontaminadong kapaligiran. Ang H5N1 sa tao ay maaaring maging sanhi ng malubhang sakit at may 60 percent mortality rate.
Sinabi ni Gwenael Vourc’h, pinuno ng research sa France National Institute for Agriculture, Food, and Environment, na ang influenza viruses ay mabilis na nagbabago, at pwedeng may iba pang mga kaso bukod sa napaulat sa Russia.
Aniya . . . “This is probably the tip of the iceberg.”
Ayon naman kay Francois Renaud, isang researcher sa French National Centre for Scientific Research (CNRS), hindi siya nag-aalala dahil ang coronavirus pandemic ay nagturo sa mga bansa na agad kumilos sa mga banta sa kalusugan.
Aniya . . . “I’m not particularly worried at this stage. Draconian measures will be taken to immediately stop the outbreak.”
Ang Vektor State Virology and Biotechnology Center ng Russia na siyang nakadiskubre sa transmission sa poultry farm workers, ang siya ring nag-develop ng isa sa ilang coronavirus vaccines.
Sa Soviet era, ang naturang laboratoryo na nasa Koltsovo sa labas ng Siberian city ng Novosibirsk, ay nagsagawa ng sikretong biological weapons research.
Mayroon pa rin itong stockpiles ng viruses gaya ng Ebola at smallpox.
Sinabi ni Vektor chief Rinat Maksyutov, na nakahanda na ang laboratoryo na simulan ang pag-develop ng test kits na makatutulong sa pag-detect ng potential cases ng H5N8 sa tao at simulan ang paggawa ng bakuna.
© Agence France-Presse