Unang kaso ng Kappa variant, naitala sa bansa
Nakapagtala na sa bansa ng unang kaso ng B1617.1 na kilala rin sa tawag na Kappa variant.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, ang kaso ay mula sa isang 32-anyos na lalaki na taga-Floridablanca, Pampanga.
Pero giit ni Vergeire, ang B1617.1 mula sa pagiging Variant under Investigation ay idineklara ito ng World Health Organization noong Setyembre bilang Variant under Monitoring na lang.
Mula ito sa parehong lineage ng Delta variant at nakita na rin ang presensya nito sa India, United Kingdom, Canada, Estados Unidos, at Ireland.
Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na may isa pang kaso ng variant under investigation na B11318 variant ang naitala sa bansa.
Ayon kay Vergeire, maliban sa mga nabanggit, may 651 bagong kaso ng Delta variant na natukoy sa pinakahuling sequencing na ginawa ng Philippine Genome Center.
Ang mga ito ay mula sa 748 samples na nakolekta noong Marso, Abril, Mayo, Hunyo, Setyembre, at Oktubre.
May 22 Alpha variant at 15 Beta variant rin ang natukoy mula sa nasabing batch ng samples.
Madz Moratillo