Unang kaso ng pagkamatay sa bansa dahil sa paggamit ng vape, naitala ng DOH
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang dokumentadong kaso sa bansa nang pagkamatay dahil sa paggamit ng electronic cigarettes o vape products.
Sa pagdiriwang ng World No Tobacco Day, sinabi ni Health Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo, na isang 22 taong gulang na lalaki mula sa Laguna ang nasawi noong nakaraang taon matapos atakihin sa puso.
Dalawang taon aniya na gumamit ng e-cigarette ang lalaki na isang atleta, walang ibang sakit, at non-smoker.
Nailathala sa international medical journals noong nakaraang Abril ang pag-aaral ng mga doktor mula sa Philippine General Hospital ukol sa nasabing kaso ng EVALI o e-cigarette or vaping product use associated injury.
Sinabi ni Asec. Domingo, “This is by team of Filipino physicians documenting the sad case of a 22 yr old, bente dos anyos na namatay sa heart attack. Ang pinakastriking yung kanyang heart attack, walang risk factor maliban sa araw araw siyang nagbi-vape for the past 2 yrs.”
Inilarawan ni Dr. Rizalina Gonzales ng Philippine Pediatric Society, na white out o parang nabura ang parehong baga ng vape user at nagbara rin ang mga ugat sa puso nito.
Ayon kay Dr. Gonzales, “In layman’s term pwedeng sabihin parang nabura clear lungs nya kasi binara nung mga vape chemicals na nakainduce ng pamamaga at saka inflammation, double whammy barado ang lungs burado ang lungs barado ang puso kaya namatay so ayan namatay inspite of all the efforts na ginawa ng mga doktor ng PGH.”
Sa kabuuan ay may anim na kaso ng EVALI sa Pilipinas na naitala ang DOH kabilang ang kaso ng namatay na pasyente.
Batay sa Global Youth Tobacco Survey noong 2019, tumaas sa mahigit 14% ang mga gumagamit ng e -cigarette sa mga kabataan mula sa 11% noong 2015.
Kaugnay nito, nanawagan ang DOH at ang health experts na tuluyang ipagbawal ang pagbenta at paggamit ng vape o kung hindi man ay mas higpitan ang mga regulasyon sa mga nasabing produkto lalo na’t ang kabataan ang target ng mga ito.
Sabi pa ni Asec. Domingo, “Gagawin po namin ang aming tungkulin namin pero kapag tinanong po kami kung gusto namin ng ban ay sasabihin namin ay gusto namin ng ban.”
Ayon naman kay Dr. Maricar Limpin ng Action on Smoking & Health Philippines, “Ang nakikita based on evidence equally harmful. Mapa-vape, mapasigarilyo we can expect the same harmful effects, kaya ayaw po namin na magsigarilyo o magvape ang kahiy sinong mga Pilipino, gusto naming malusog ang ating kababayan.”
Kinastigo rin ng health advocates ang mga mapanlinlang na marketing o advertisement ng online vape products, ng mga vape company na dapat aksyunan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sa pahayag naman ni Sen. Pia Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Health, “The research would show you that these are harmful, may mga namamatay, I’m also calling the private sector, this is a whole of nation approach, the private sector has to do their part, those online selling, sasabihin nila we try. No you can try harder, you can do better.”
Courtesy: DOH FB
Dagdag pa ni Dr. Gonzales, “This World No Tobacco Day, we have to protect our young, bakit hindi namin sasabihin sila may kagagawan, it’s actually the deception of the tobacco industry, what have they done to the laws.”
Moira Encina