Unang mpox diagnostic test para sa emergency use, aprubado na ng WHO
Binigyan ng awtorisasyon ng World Health Organization (WHO) ang Abbott Laboratories (ABT.N), para gamitin sa emergency ang mpox diagnostic test, ang unang approval na ibinigay ng ahensiya para sa mga pagsisikap na pasiglahin ang testing capabilities sa mga bansang nahaharap sa outbreaks ng sakit.
Ayon sa WHO, magagawa ng real-time PCR test na Alinity m MPXV assay, na ma-detect ang mpox virus DNA mula sa human skin lesion swabs, at ito ay dinisenyo upang gamitin ng trained clinical laboratory personnel.
Sinabi pa ng ahensiya, na sa kasalukuyan ay ini-evaluate nila ang tatlong bagong mpox diagnostic tests for emergency use, at nakikipag-ugnayan sa iba pang manufacturers upang palawakin ang availability ng mpox diagnostic tools.
Matatandaan na idineklara ng WHO noong Agosto ang mpox bilang isang global public health emergency sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, kasunod nang outbreak ng naturang viral infection sa Democratic Republic of Congo, na kumalat din sa katabi nitong Burundi, Uganda at Rwanda.
Sinabi ni Yukiko Nakatani, assistant director-general for access to medicines and health products ng ahensiya, “This first mpox diagnostic test listed under the Emergency Use Listing (EUL) procedure represents a significant milestone in expanding testing availability in affected countries.”
Noong Agosto, hiniling ng WHO sa mga tagagawa na isumite ang kanilang mga produkto para sa isang emergency review at nakipag-usap sa kanila tungkol sa pangangailangan para sa mabisang diagnostic, partikular sa mga grupong mababa ang kita.
Ang EUL procedure ay isang risk-based assessment ng hindi lisensiyadong mga bakuna, tests at treatments upang mapabilis ang availability ng mga ito sa panahon ng public health emergencies.
Dalawang strains ng mpox ang kumakalat, ang clade I variant, na endemic sa mga bahagi ng West at Central Africa at isang bago, at mas mabilis makahawang strain na clade Ib, na siyang nag-trigger ng global concern.
May mga bansa na sa labas ng Democratic Republic of Congo at mga katabi nito, na nagkumpirma ng mga kaso ng clade ib strain ng virus, kabilang dito ang Sweden, Thailand, at India.