Unang nonstop PH shipping service sa pagitan ng US at Pilipinas, inilunsad
Nagbigay ng suporta ang US Agency for International Development (USAID) sa paglulunsad ng unang nonstop Philippine shipping service sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Ayon sa US Embassy, ang MV Iris Paoay ang unang Philippine flag container vessel na maglalayag nonstop mula sa Pilipinas patungong US West Coast at pabalik.
Ang shipping service ay inalok ng logistics firm na Iris Logistics, Inc., na Royal Cargo subsidiary.
Inaasahan na mababawasan nito ang shipping time at maiibsan ang hirap ng traders bunsod na rin ng epekto ng pandemya.
Nakipagugnayan ang USAID sa Export Development Council (EDC) para mag-organisa ng serye ng mga diskusyon upang makahanap ng solusyon sa mataas na shipping costs at kakulangan ng vessel space.
Sinabi ng US Embassy na ang nonstop service ay inaasahang magpapataas sa overall exchange of goods partikular ng highly perishable na agricultural products, at mapagbubuti ang food security sa pamamagitan ng on-time delivery ng shipments.
Ang Pilipinas ang ika-siyam na largest export market ng US para sa agriculture products at mga katulad nito.
Ang Amerika naman ang ikalawang pinakamalaking customer ng Philippine agricultural at related exports.
Ang maiden voyage ng MV Iris Paoay ay noong Setyembre 20.
Naglalayag ito direkta sa Long Beach, Los Angeles sa US.
Moira Encina