Unang Olympic Gold ng Pilipinas, nasungkit ni Hidilyn Diaz, nakapagtala pa ng Olympic Record
Nakakuha na ang Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya sa Oylmpics.
Ito’y sa pamamagitan ni Hidilyn Diaz na nanguna sa Weightlifting Women’s 55 kilogram sa ginaganap na 2020 Tokyo Olympics sa Japan.
Hindi lang basta Gintong Medalya ang nakuha ni Hidilyn Diaz sa event, nakapagtala rin siya ng Olympic Record matapos bumuhat ng may kabuuang bigat na 224 kilograms.
Maluha-luha pa si Diaz matapos ang kanyang final lift sa mahigpitang kompetisyon.
Tinalo ni Diaz ang pambato ng China na si Liao Qiuyun na nakakuha ng silver sa combined weight na 223 kilograms habang pumangatlo naman ang panlaban ng Kazakhstan na si Zulfiya Chinshanlo na umiskor ng 213 kilograms.
Nagsimulang lumahok ang Pilipinas sa Olympics noong 1924 subalit ngayon lang nakakuha ng gintong medalya.