Unang pagkamatay dahil sa Covid-19, kinumpirma ng North Korea
Kinumpirma ng North Korea ang kauna-unahan nilang Covid-19 death ngayong Biyernes, at sinabing napakabilis nang pagkalat ng lagnat sa buong bansa kung saan libu-libong katao ang na-isolate at ginagamot matapos magkasakit.
Nitong Huwebes lamang iniulat ng Nokor ang unang kaso nila ng Covid, at sinabing gagamit na sila ng “maximum emergency epidemic prevention system” makaraang magpositibo sa Omicron ang mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri sa Pyongyang, kapitolyo ng North Korea.
Ang Nokor ay nasa ilalim na ng isang mahigpit na ‘coronavirus blockade’ simula nang mag-umpisa ang pandemya noong 2020, nguni’t dahil sa malalaking Omicron outbreaks sa mga katabi nitong bansa, sinabi ng mga eksperto na hindi magtatagal at mapapasok na sila ng Covid-19.
Ayon sa Korean Central News Agency (KCNA) . . . “A fever whose cause couldn’t be identified explosively spread nationwide from late April. Six persons died (one of them tested positive for the BA.2 sub-variant of Omicron).”
Sinabi ng mga eksperto, na dahil sa hindi pa bakunado laban sa Covid-19 ang 25 milyon nilang populasyon, mahihirapan ang Nokor na harapin ang isang major outbreak.
Pahayag ng KCNA . . . “On May 12 alone, some 18,000 persons with fever occurred nationwide and as of now up to 187, 800 people are being isolated and treated.”
Nitong Huwebes ay pinangunahan ni Nokor leader Kim Jong Un — na sa unang pagkakataon ay nakita sa state TV na nakasuot ng face mask — ang isang emergency meeting ng Politburo kung saan ipinag-utos nito ang pambansang lockdowns sa pagtatangkang pigilan ang pagkalat ng virus.
Ngayong Biyernes ay binisita ni Kim ang state emergency epidemic prevention headquarters, at nalaman ang “nationwide spread of Covid-19”.
Ayon sa KCNA . . . “It is the most important challenge and supreme tasks facing our Party to reverse the immediate public health crisis situation at an early date.”
Sinabi ni Cheong Seong-chang ng Sejong institute, na malamang na ang malalaking nationwide outbreak ay maiuugnay sa isang malaking military parade na ginanap sa Pyongyang noong April 25.
Aniya . . . “Holding a military parade attended by a large crowd, when Omicron was raging in neighboring China, shows Pyongyang was overconfident in their capabilities to fight and prevent the virus.”
Ayon kay Seong-chang, hindi malayong makaranas ang North Korea ng “major chaos” dahil sa mabilis na pagkalat ng Omicron, kung pagbabatayan na sa kasalukuyan ay nakapag-ulat na ang bansa ng halos 20,000 kaso sa loob lang ng isang araw.
Dagdag pa niya . . . “If the death toll from Omicron spikes, Pyongyang may have to ask for China’s support.”
Sinabi ng Beijing, major ally at benefactor ng Pyongyang, na nakahanda itong tulungan ang North Korea sa kanilang Covid-19 outbreak.
Subali’t ang China, na tanging bansang nagpapatupad pa rin ng isang zero-Covid policy, ay nakikipaglaban din sa multiple Omicron outbreaks — kung saan may ilang pangunahing siyudad, kabilang ang Shanghai na siya nitong financial hub, ang nasa ilalim ngayon ng mahigpit na stay-at-home orders.
Una nang tinanggihan ng North Korea ang Covid vaccines na alok ng China, maging ang Covax scheme ng World Health Organization.
Sinabi ni Kim, na ang outbreak ng lagnat ay nagpapakita na mayroon pa ring “vulnerable point” sa kanilang epidemic prevention system at nag-atas ng dagdag pang lockdowns.
Ayon kay Kim . . . “It is the top priority to block the virus spread by actively locking down areas and isolating and treating persons with fever in a responsible manner.”
Sinabi naman ng mga analyst, na ang karanasan ng China sa Omicron ay nagpapakita na maaaring hindi maging matagumpay ang lockdowns, subali’t bunsod ng kawalan ng antiviral treatment at hindi bakunadong populasyon, wala nang iba pang pagpipilian ang North Korea.