Unang posibleng pagkamatay dahil sa monkeypox sa Asia, iniulat ng India
Iniulat ng mga awtoridad sa India, ang unang posibleng monkeypox fatality sa Asia makaraang mamatay matapos magpositibo sa sakit ang isang lalaki na kababalik lamang mula sa United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ng Kerala state health ministry, na lumitaw sa tests na ginawa sa 22-anyos na lalaki na mayroon siyang monkeypox.
Tatlo nang pagkamatay na nauugnay sa monkeypox ang naiulat sa labas ng Africa, sa isang outbreak na idineklara ng World Health Organization na isang pandaigdigang emerhensiyang pangkalusugan.
Ang Indian national ay namatay sa Kerala nong July 30, humigit-kumulang isang linggo makaraang bumalik mula sa UAE at dalhin sa ospital.
Gayunman, hindi malinaw kung monkeypox nga ang sanhi ng kamatayan nito.
Ayon kay Venna George, health minister ng Kerala . . . “The youth had no symptoms of monkeypox. He had been admitted to a hospital with symptoms of encephalitis and fatigue.”
Dagdag pa niya, dalawampu kataong tinukoy bilang “high risk” ang inoobserbahan na, kabilang ang miyembro ng pamilya, mga kaibigan at medical staff na maaaring nagkaroon ng kontak sa biktima.
Ayon sa WHO, higit 18,000 monkeypox cases na ang na-detect sa buong mundo sa labas ng Africa simula noong Mayo, na ang karamihan sa mga ito ay sa Europe.
Nito lamang nakalipas na linggo, ang Spain ay nakapagtala ng dalawang monkeypox-related deaths habang sa Brazil ay isa.
Subali’t hindi malinaw kung monkeypox ba ang aktuwal na sanhi ng tatlong pagkamatay, lalo’t hanggang noong Lingo ay nagsasagawa pa rin ng awtopsiya ang mga awtoridad sa Spain habang sinabi naman ng Brazilian authorities na ang namatay nilang pasyente ay may iba pang serious conditions.
Hindi bababa sa apat ang kaso ng monkeypox na naiulat ng India, kung saan ang una ay naitala noong July 15 sa isa pang lalaki na bumalik sa Kerala galing din sa UAE.
© Agence France-Presse