Under average IQ ng mga Pilipino, hindi nakapagtataka ayon sa ilang eksperto
Hindi na ikinabigla at ipinagtaka ng Philippine Business for Education (PBEd) ang mababang ranggo sa intelligence quotient (IQ) ng mga Pilipino.
Ang IQ o intelligence quotient ay isang uri ng standard score na tumataya sa mental ability o kakayahan ng utak ng isang indibidwal kumpara sa kaniyang peer group.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni PBEd Executive Director Justine Raagas na bago pa man ang pandemya ay mababa na ang score ng Pilipinas sa iba’t ibang global learning assessments partikular na sa reading, mathematics, at science.
“I guess for many of us, we are disappointed,” pahayag ni Raagas.
“However, the results or data ay hindi nakakagulat, even prior to pandemic kulelat tayo sa global learning assessment… we are below sa measured learning, mababa score,” dagdag pa ni Raagas.
Sa ulat ng World Population Review, nasa pang-111 ang Pilipinas sa 199 na mga bansa at bansa na sinukat ang IQ.
Nakapagtala ang Pilipinas ng 81.65 points na nasa below average ng IQ level.
Pero sinabi ni Raagas na maaari namang tingnan sa positibong aspeto ang nasabing ulat.
“If you think about it, 111 out of 199, if you were to be positive, you’d say at least hindi nasa masyadong lower part. But the average range for IQ scores is 85 to 115. Atin nasa mababa sa average,” paliwanag pa niya.
Sa kabila nito, dapat aniyang tingnan ang ulat bilang hamon na mas palakasin pa ang edukasyon sa Pilipinas.
Ibinase umano ang ulat ng World Population Review sa pag-aaral na isinagawa noong 2019 ng mga researcher na sina Richard Lynn at David Becker sa Ulster Institute.
Kapansin pansin naman sa pag-aaral nina Lynn at Becker na pawang mga taga-Asya ang nanguna sa listahan. Binubuo ang top 5 na bansa ng Japan (106.49), Taiwan (106.47), Singapore (105.89), Hong Kong (China)(105.37), at China (104.10).
Nasa ika-29 na puwesto naman ang United States (97.43).
Para kay Raagas, may malinaw na koneksyon ang IQ sa iba pang mga factor.
“The countries na nasa top rank are also many of the countries which are really high in terms of education quality. The list of countries na nagta-top, ito talaga yung may intentional na programs on nutrition, educational efforts,” dagdag pa ni Raagas.
Ayon sa Department of Education, tatalakayin nila ang naturang pag-aaral at hahanap ng mga hakbang na maaari nilang gawin para makatulong pataasin ang IQ ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan ay nagpapatupad ang DepEd ng school-based feeding program.
Nakatakda ring maglunsad ang kagawaran ng National Reading Program at National Math Program.
Weng dela Fuente