Unemployment rate ng bansa bumaba sa 4.3% noong Mayo – PSA
Patuloy na bumababa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.
Ito ang resulta sa labor force survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa buwan ng Mayo ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni PSA National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Dennis Mapa, naitala ang 4.3% na unemployment rate noong Mayo o katumbas ng 2.17 milyong Pinoy na mas mababa sa 4.5% unemployment rate o katumbas ng 2.26 milyon noong Abril.
Dagdag ni Mapa na pangunahing nakaimpluwensiya sa pagbaba ng bilang ng walang trabaho ang pagdami ng trabahong nagbukas sa agriculture at forestry sector na nakadagdag ng 810,000 jobs, fishing at aquaculture na 375,000, arts, entertainment and recreation na 162,000, gayundin ang accommodations and food services na 53,000.
Bumaba din ang underemployment rate ng bansa o bilang ng may mga trabaho ngunit naghahanap pa rin ng dagdag na trabaho sa 11.7% noong Mayo mula sa 12.9% noong Abril
“The underemployment rate in May 2023 was the second lowest since April 2005 sa March 2023 underemployment rate na 11.2 percent as the lowest,” ulat pa ng PSA.
“Wage and salary workers continued to account for the largest share of employed persons with 60.5% of the total employed persons in May 2023.” Dagdag pa ng PSA.
Sinabi ni Mapa na sa pagtaya ng PSA ay bumalik na sa pre COVID-19 pandemic ang employment at unemployment rate dahil sa pagluluwag ng mga economic activities sa bansa.
Vic Somintac