Unemployment rate noong June umakyat sa 4.5%
Mas maraming Pilipino ang walang trabaho o kulang sa trabaho noong Hunyo kumpara noong nakaraang Mayo.
Sa latest Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.5% ang unemployment rate ng bansa noong Hunyo mula sa 4.3% noong Mayo.
Katumbas ito ng 2.33 milyon Pilipino ang jobless noong Hunyo kumpara sa 2.17 million unemployed noong Mayo.
Ngunit sinabi ng PSA na malaking improvement ang 6% unemployment rate ngayong taon kumpara noong June 2022 kung kailan umabot sa 2.99 milyon Pilipino ang walang trabaho.
Tumaas din ang underemployment rate sa 12% nitong June mula sa 11.7% noong Mayo o katumbas ng 5.87 million workers ang underemployed sa nasabing buwan, mula sa 5.66 million noong Mayo.
Ang underemployment ay ang mga manggagawa na may trabaho na ngunit naghahanap pa rin ng karagdagang kita.
Sinabi ng PSA na mas maraming manggagawa ang nagkatrabaho sa service sector o 58.2 percent ng kabuuang may trabaho.
Sa buong taon, 3 sektor ang nakapagtala ng mas maraming trabaho ang accommodation and food services activities, agriculture and forestry at wholesale and retail trade kabilang ang repari ng motor vehicles at motorcycles.
Pumalo naman sa 95.5% ang employment rate ng Pilipinas noong Hunyo kumpara sa 94% sa kaparehong panahon noong 2022.
Kumakatawan ito sa 48.84 milyong Pilipino na aktibong nasa work force.
Samantala, nakapagtala naman ng mataas na pagbaba sa trabaho ang fishing and aquaculture, manufacturing at professional scientific and technical activities.
Nabawasan din ng nasa 45,000 trabaho ang information and communications industry ngayong June 2023 kumpara noong nakaraang taon.
Samantala, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kailangang mag-upskill ng mga manggagawang Pilipino para i-improve ang employability at maitaas din ang competitiveness ng workforce ng bansa.
Umapela rin ang NEDA para sa pamumuhunan sa technical at vocational education, gayundin sa training centers, digitalization at innovation ng mga pasilidad.
Weng dela Fuente