Unified Curfew hour sa Metro Manila ipatutupad sa ilalim ng pinahigpit na GCQ status
Pare-pareho na ang oras ng ipatutupad na curfew hour sa iba’t ibang Local Government Units sa Metro Manila sa ilalim ng mas mahigpit na General Community Quarantine o GCQ.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque makaraang magpulong ang National Task Force against covid 19 o NTF.
Sinabi ni Roque na nagpasya ang National Task Force na pagtibayin ang rekomendasyon ng mga mayor sa Metro Manila para sa unified curfew hour mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga sa ilalim ng mas mahigpit na GCQ hanggang Agosto 31.
Inihayag ni Roque na batay sa pinal na desisyon ng National Task Force hindi pa rin pinapayagan ang operasyon ng mga gym, internet cafe, review centers, at tutorial centers.
Idinagdag ni Roque ang mass gathering kasama ang religious services sa ilalim ng GCQ ay hanggang sampung indibidwal lamang ang pinapayagang magtipon.
Kaugnay nito pinapayagan sa GCQ ang pagbubukas muli ng mga barberya at salon pero ipinauubaya na sa mga LGUs ang pagtukoy kung ilan ang capacity na pahihintulutan.
Ulat ni Vic Somintac