Unified vaccination certificate, hindi basta mapepeke – DICT
Inihahanda na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang National Vaccine Operation Center (NVOC) at mga lokal na pamahalaan ang paglalabas ng unified vaccination certificate.
Sinabi ni DICT Undersecretary Manny Caintic, na ito ay upang mas maging madali ang pagberipika sa mga nabakunahan na sa bansa.
Inatasan na aniya ng DICT ang NVOC at mga LGU na magpasa ng listahan ng mga nabakunahan sa kanilang nasasakupan hanggang July 31.
Ito ang magiging basehan ng DICT sa pagkakaloob ng vaccine certificate sa bawat fully vaccinated Filipino.
Tiniyak ni Caintic na hindi basta-basta magagaya o mapepeke ang certificate dahil ito ay may private key encrypted.
Madali naman aniyang mabe-verify ito sa mga ports of entry at exit dahil ipamimigay nila ang public key sa mga verifiers.
Paalala rin ni Caintic na kailangan ring magsumite ng listahan sa LGU ang mga private companies na nagsagawa ng sariling pagbabakuna.