UniTeam buo pa rin ayon sa Liderato ng Kamara
Sa kabila ng mga nagaganap na internal intramurals sa mababang kapulungan ng Kongreso buo pa rin daw ang Uniteam na bumubuo ng super majority sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang tiniyak ni House Majority Leader Manuel Manix Dalipe matapos patalsikin bilang mga Deputy Speaker sina Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo at Congressman Isidro Ungab dahil sa hindi pagpirma sa House Resolution 1414 na nagpapahayag ng suporta sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez at pagtatanggol sa reputasiyon at integridad ng Kamara mula sa pag-atake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dalipe, intact pa rin ang Uniteam sa Kamara at nakapokus sa pagsusulong ng mga pangunahing panukalang batas na hinihingi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay ito sa napagkasunduan sa Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting sa Malakanyang at priority measures na binanggit sa nakaraang State Of the Nation o SONA.
Ganito rin ang pahayag ni Congressman Joey Salceda Chairman ng House Committee on Ways and Means na nagsabing hindi apektado ng nagaganap reorganization sa House Leadership ang mga Priority Economic Reform Bills na tinatalakay sa Kamara kasama ang majority group at minority group.
Sinabi ni Salceda na personal niyang kilala si dating Pangulong Arroyo na hindi magiging hadlang sa mga legislative agenda ng Kamara na may kinalaman sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa na pakikinabangan ng taong bayan.
Si Salceda ay naging Chief of Staff at Economic Adviser ni dating Pangulong Arroyo noong nakaupo pa sa Malakanyang.
Niliwanag pa ni House Majority Leader Dalipe na business as usual na ang Kamara matapos ang naganap na sibakan sa deputy speakership.
Vic Somintac