Universal Studios, nag-debut sa China sa pamamagitan ng soft opening
Madaling araw pa lamang ay marami nang pumila para masilip ang unang Universal Studios theme park sa China, sa isinagawang soft opening ngayong araw (Mierkoles).
Ang parke ay may rides na inspired ng blockbuster films gaya ng Harry Potter at Jurassic World, at bahagi ng isang mas malaking Universal-themed resort na kinabibilangan ng dalawang hotel at isang shopping street.
Ang trial ngayong araw ay para lamang sa mga mayroong special corporate invitations.
Ang Universal Studios theme park sa Beijing na ika-lima na sa theme park nito sa buong mundo, ay unang inanunsiyo noong 2014 matapos aprubahan ng mga awtoridad sa China.
Simula noon ay nagbukas na ang siyudad ng isang subway station na para lamang sa park.
Bilang bahagi ng health protocol, ang mga bumisita sa parke ngayong araw ay inatasang ideklara na wala silang nararanasang Covid-19 symptoms, at kinailangang dumaan sa temperature camera bago makapasok.
Mayroon ding facial recognition cameras para mabuksan ng mga bisita ang storage lockers, magbayad para sa bibilhin nilang pagkain o makipila para sa rides na hindi na kakailanganin ang physical tickets.
Ilan sa ipinangako ng parke ang water shows at close encounter sa isang animatronic dinosaur.
Samantala, inaasahang dadagsa ang mga bisita sa parke sa isang linggong National Day holidays sa Oktubre.