Unti-unting pagbagsak ng Sugar Industry iniimbestigahan ng Senado
Iniimbestigahan na ngayon ng Senate Committee on Agriculture and Food ang kabiguan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maipatupad ang Sugarcane Industry Development Act dahilan kaya nalulugi ang nasa Sugar industry.
Una nang naghain ng resolusyon sina Senate majority leader Juan Miguel Zubiri at Senador Cynthia Villar na maimbestigahan ang isyu dahil sa pinanangambahang tuluyang pagbagsak ng Sugar industry sa Pilipinas.
Nangangamba si Zubiri dahil milyon-milyong residente ng Bukidnon, Negros Occidental, Antique at iba pang lalawigan sa Visayas Region ang umaasa sa Sugar industry.
Kinastigo naman ni Villar, Chairman ng komite ang mga opisyal ng SRA dahil 2015 pa naisabatas ang Sugarcane Industry Development act at nabigyan na rin ng pondo para tulungan ang mga magsasaka pero nakapagtatakang hindi pa rin nakakabangon ang nasa industriya ng asukal.
Bahagi ng pondo ang 300 million na block grants para sa mga magsasaka, 15 percent para sa research and development at 15 percent para sa Farm Support at mechanization habang ang 1 billion ay para sa Infrastructure Development.
Lumilitaw na nagkaroon ng underspending dahil sa halip na 2 billion at 500 million na lang ang inilaan ng DBM sa SRA ngayong taon gayong ayon kay Villar maraming mga proyektong maaari sanang paggamitan para tulungan ang nasa sugar industry.
Ulat ni Meanne Corvera