“Up” actor na si Ed Asner, pumanaw na
WASHINGTON, United States (AFP) – Inanunsiyo ng pamilya ng US television actor at 7-time Emmy awards winner na si Ed Asner, na pumanaw na ito (Linggo) sa edad na 91.
Sa Twitter account ng aktor ay nagpost ang kaniyang pamilya kung saan nakasaad . . . “We are sorry to say that our beloved patriarch passed away this morning, peacefully. Words cannot express the sadness we feel. With a kiss on your head, goodnight dad. We love you.”
Ayon sa kaniyang publicist . . . “Asner died of natural causes.”
Ang aktor ay gumawa ng pangalan sa industriya para sa kaniyang papel bilang newsroom boss na si Lou Grant sa sitcom na “The Mary Tyler Moore Show,” na umere mula 1970-1977, pagkatapos ay sa spinoff show nito na nakasentro naman sa kaniyang karakter.
Sa pitong Emmy awards na napanalunan ni Asner, tatlo rito ay mula sa papel niya bilang si Lou Grant. Isa lamang siya sa dalawang aktor na nagwagi ng Emmy kapwa para sa isang comedy at isang drama para sa iisang role sa magkaibang palabas.
Muli namang nagkaroon ng bagong henerasyon ng fans si Asner nang gampanan niya ang papel ni Carl Fredericksen sa 2009 animated movie na “Up,” na nakakuha ng nominasyon sa Oscar para sa best picture.
Si Edward Asner ay isinilang noong November 15, 1929 sa Kansas City, Missouri. Pinakabata sa limang magkakapatid, nagtrabaho siya sa kanilang high school newspaper at naging football player din.
Nang dumating sa hustong gulang ay nagtrabaho siya sa isang auto-assembly line, at naging bahagi ng army bago tuluyang napasok sa mundo ng pag-arte.
Lumabas siya sa isang serye ng off-Broadway plays, television shows at mga pelikula bago nakuha ang malaki niyang break sa “The Mary Tyler Moore Show.”
Samantala, nito lamang Mayo ay una nang pumanaw ang kaibigan at co-star ni Asner sa “The Mary Tyler Moore Show” na si Gavin MacLeod.
Agence France-Presse