UP College of Medicine, tiniyak ang suporta sa Covid-19 vaccine para malabanan ang Pandemya
Umapila ang pamunuan ng University of the Philippines-College of Medicine at Philippine General Hospital sa publiko na pagtiwalaan lamang ang mga opisyal na pahayag mula sa mga ahensya ng pamahalaan at organisasyon ng mga doktor patungkol sa bakuna at mga paraan ng paggamot sa Covid 19.
Sa isang joint statement na pirmado ni Dr. Charlotte Chiong, Dean ng UP College of Medicine at Dr. Gerardo Legaspi, direktor ng PGH, nakasaad na naninindigan sila sa kanilang commitment na i-promote lamang ang mga evidence-based practice of medicine lalo na sa pagtugon sa COVID 19 Pandemic.
Nakasaad pa sa statement na anumang pahayag mula sa isang indibiwal, doktor man ito, retiradong propesor man ng kanilang Unibersidad ay hindi opisyal na pahayag ng UP College of Medicine.
Ang pahayag ng UP College of Medicine ay kasunod ng sinabi ni Dr. Romeo Quijano, isang retired professor sa UP College of Medicine, na mas delikado ang Covid 19 vaccine kaysa sa mismong virus.
Sa kanilang statement, tinawag na iresponsable ng UP College of Medicine ang pagbibigay pahayag ng isang indibiwal na maaaring magbigay panganib sa vaccination program ng bansa o pagpromote ng paggamit ng alternatibong gamot na pinag-aaralan pa.
Apila nila sa publiko, palaging sumunod sa “safety protocols”, magpabakuna kontra Covid-19 para na rin sa proteksyon hindi lamang sa sarili kundi maging ng mga mahal sa buhay.
Hinikayat rin nila ang publiko na huwag basta maniwala sa mga kuro-kuro, pala-palagay at makinig lamang sa mga eksperto.
Madz Moratillo