UP Los Baños, ipinanukala ang pagtatag ng bagong research at public service center
Plano ng UP Los Baños na magtatag ng bagong research at public service center para mapigilan ang mga epidemya at pandemya sa hinaharap.
Tatawagin itong UPLB National Zoonoses Center.
Ayon sa UPLB website, ang Zoonoses ay tumutukoy sa mga sakit na naipapasa sa mga tao mula sa mga hayop gaya ng nararanasang pandemya ngayon.
Bumuo ang pamunuan ng UPLB ng eight-member committee noong Hulyo na naghanda ng panukala para sa Zoonoses center.
Sa panukala ng komite, layon ng UPLB National Zoonoses Center na mapalakas ang kapasidad sa zoonoses detection, prevention, at pagtugon sa mga outbreak ng mga sakit.
Magsisilbi rin itong diagnostic testing center na may kapasidad sa pagsasagawa ng advanced techniques para makaagapay sa surveillance ng mga infectious diseases.
Makikipagtulungan ang Zoonoses Center sa DOH, DA, at DENR.
Gayundin sa World Health Organization at World Organisation for Animal Health.
Moira Encina