UP OCTA research team kinontra ng malakanyang sa pagsasabing aabot sa 480,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Nobyembre
Hindi naniniwala ang Malakanyang sa pahayag ng University of the Philippines Octa Research Team na aabot sa 480,000 ang magiging kaso ng COVID- 19 sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Nobyembre dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo sa corona virus.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na mulat na ang publiko sa kampanya at patakaran ng pamahalaan sa pagpapatupad ng standard health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID -19.
Ayon kay Roque malaking porsiyento ng populasyon lalo na sa Metro Manila ang sumusunod na sa standard health protocol na pagsusuot ng face mask, face shield, palagiang paghuhugas ng kamay at social distancing.
Inihayag ni Roque nakabatay sa siyensia at health standard ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force o IATF na luwagan na ang ekonomiya para makapaghanap buhay ang publiko.
Sa ngayon umabot na sa mahigit 373,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa at patuloy pa itong nadaragdagan araw-araw.
Vic Somintac