Uploader ng Bikoy videos, kakasuhan din ng NBI ng inciting to sedition
Nasa kustodiya na ng NBI ang taong nag-upload at nagpakalat sa ‘Ang Totoo Narcolist’ videos na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Duterte sa illegal drug trading.
Tinukoy ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang uploader ng videos na si Rodel Jayme na creator at administrator ng website na Metrobalita.com kung saan in-upload ang mga link ng mga videos.
Matapos mabatid na si Jayme ang admin ng Metrobalita website ay naghain ng aplikasyon para sa search warrant sa korte ang DOJ at NBI.
April 30 nang isilbi ng NBI Cybercrime Division ang search at seize warrant na inisyu ng Makati RTC laban kay Jayme sa bahay nito para sa kasong cyberlibel.
Nakumpiska mula kay Jayme ang desktop computer, mobile phone at billing ng internet service provider.
Nilinaw ng kalihim na inaresto na lang si Jayme matapos makumpirma sa isinagawang digital forensic examination sa computer nito na ito nga ang administrator ng Metrobalita website na nagpakalat ng mga Bikoy videos.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI at pinag-aaralan pa kung anu-anong kaso ang isasampa laban kay Jayme.
Bukod sa kasong paglabag sa Anti Cybercrime Prevention law, maaring ipagharap din anya ng reklamong child abuse, inciting to sedition at iba pang mas mabigat na kaso si Jayme.
May iba pa ring persons of interest na iniimbestigahan ang NBI kabilang na ang lumikha ng Youtube channel na nagpost ng mga Bikoy videos.
Samantala, hindi pa makumpirma ng DOJ at NBI kung si Jayme rin ba si alyas Bikoy na lumabas sa video.
Tumanggi naman ang DOJ at NBI na magbigay ng detalye kung sino si Jayme at kung ano ang political affiliation nito
Pero batay sa Twitter account nito, si Jayme ay nagpakilalang blogger, gamer at licensed amateur radio operator.
Nilinaw pa ng DOJ na walang kinalaman ang Malacañang sa imbestigasyon sa isyu.
Ulat ni Moira Encina