Upper respiratory tract infection at skin diseases, pangunahing sakit na dumadapo sa mga bakwit sa Marawi City ayon sa DOH
Tuloy tuloy ang monitoring na ginagawa ng Department of Health sa mga evacuee sa Marawi City kaugnay ng mga dumadapong sakit sa mga biktima ng Marawi crisis.
Ayon kay DOH Sec. Paulyn Ubial, sa nakalipas na linggo tumaas ang kaso ng upper respiratory tract infection tulad ng sipon, ubo at lagnat, at sa patuloy na pag asiste ng mga health worker na naka deploy sa nabanggit na lugar ay bumaba na ito as of yesterday, June 19.
Samantala, sinabi ni Ubial na ang kanilang binabantayan sa kasalukuyan ay ang skin diseases na ngayon ay patuloy ang pagdami ng mga dinadapuan.
Katuwang nila sa pagggamot dito ang Philippine Dermatological Society at sa ngayon ay kanilang sinisikap na mapababa ang bilang ng mga evacuees na maaaring dapuan nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng screening sa kanila.
Bukod sa upper respiratory tract infection at skin diseases, ang sumunod na ay hypertension at acute gastro enteritis.
As of June 19 din, binigyang diin ni Ubial na bumaba na ang insidente ng naturang mga sakit.
Dagdag pa ni Ubial na 73 evacuation centers as of yesterday ang nababantayan ng mga doktor at nurse at mayroon ding mobile team ang DOH na nagbabahay bahay na tumitingin sa mga sitwasyon ng mga evacuees na nakikitira sa kanilang mga kamag anak.
Ulat ni: Anabelle Surara