US airman patay matapos sunugin ang sarili sa labas ng Israeli embassy
Isang US airman ang namatay makaraang silaban ang sarili sa labas ng Israeli embassy sa Washington, bilang protesta sa giyera sa Gaza.
Ang nakagigimbal na pangyayari ay patunay ng pagtindi ng kamakailan ay mga protesta sa buong Estados Unidos laban sa mga aksyon ng Israel sa Gaza, kung saan sa suporta ng US ay nagsasagawa ito ng giyera bilang ganti sa ginawang pag-atake ng Hamas militants noong Oktubre 7.
Ayon sa fire department ng lungsod, sumugod sa lugar ang emergency responders bilang tugon sa tinanggap nilang tawag na may isang lalaking nagliliyab sa labas ng embahada ng Israel.
Batay sa footage na naibahagi sa social media, kinunan ng hindi pa matukoy na lalaki ang kaniyang sarili habang sumisigaw ng “Free Palestine,” at sinindihan ang sarili.
Sinabi ng fire department na isinugod ang lalaki sa ospital matapos magtamo ng “critical life-threatening injuries.” Sinabi naman ng isang tagapagsalita ng Air Force na namatay din ito kinagabihan.
Ayon naman sa isang tagapagsalita ng Israeli embassy, walang staff na nasaktan sa pangyayari.
Sa video, ang lalaki na nakasuot ng military fatigues ay makikita na nagsasabing “I will not be complicit in genocide” bago niya binuhusan ang sarili ng likido at sinilaban habang sumisigaw ng “Free Palestine!” hanggang sa siya ay mag-collapse.
Ang video ay napaulat na unang nai-share sa isang livestream sa social platform na Twitch.
Dahil ang mga namatay sa Gaza ay malapit na sa 30,000 ayon sa Hamas-run health ministry doon, dumami ang international pressure sa Estados Unidos upang rendahan na ang kaalyado nitong Israel at manawagan ng tigil-putukan.
Noong isang linggo ay hinarang ng Washington ang isang resolusyon ng UN Security Council na nananawagan para sa isang agarang ceasefire sa Gaza, na pangatlong beses na nitong ginawa kaugnay ng naturang usapin.
May ilang mga botante sa Democratic Party ni US President Joe Biden ang nagtangkang pilitin ang pangulo tungkol sa isyu, kung saan may mga grupo ng Arab American voters sa Michigan ang nagbanta na ang isusulat ay “uncommitted” o “Free Palestine” sa kanilang mga balota.
Sa isang update sa nagpapatuloy na multinational talks nitong Linggo, sinabi ng Estados Unidos na may lumutang na “pagkakaunawaan” sa isang posibleng kasunduan para sa Hamas upang palayain ang mga hostage at para sa isang bagong ceasefire sa giyera sa Gaza.
Karaniwan naman na ang domestic demonstrations ay ginagawa sa pamamagitan ng payapang mga protesta sa kalsada, bagama’t noong Disyembre ay sinilaban din ng isang tao ang kaniyang sarili sa labas ng Israeli consulate sa Atlanta.