US Embassy ikinalugod ang muling pagsuspinde ng Pilipinas sa pagbuwag sa VFA
Ikinatuwa ng Embahada ng Estados Unidos sa bansa ang desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na palawigin muli ang suspensyon sa pagbuwag sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa statement ng US Embassy, sinabi na ang alyansa ng US at Pilipinas ay hindi lamang makatutulong sa seguridad ng dalawang bansa.
Ayon sa embahada, mapalalakas din ng VFA ang rules-based order na pakikinabangan ng lahat ng bansa sa Indo-Pacific region.
Una nang inanunsiyo ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na muling pinalawig ng anim na buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanselasyon ng kasunduan.
Ito ay habang patuloy na pinag-aaralan ng pangulo ang ilan pang aspeto ng VFA at magkaroon ng mas “mutually beneficial” at mas epektibong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sinuspinde rin ng Malacañang ang pagbuwag sa defense agreement noong Hunyo at Nobyembre ng nakaraang taon.
Moira Encina