US Embassy: One-day COVID testing policy, sinimulan nang ipatupad sa lahat ng papasok sa Estados Unidos
Epektibo na ang bagong testing requirement ng US para sa lahat ng mga magbibiyahe patungong Estados Unidos.
Sa abiso ng US Embassy, ipinapatupad na ang one-day COVID testing para sa mga magtutungo sa Amerika edad 2 taong gulang pataas fully-vaccinated man o hindi at anuman ang nasyonalidad.
Ayon sa embahada, kailangang makapagprisinta ang lahat ng air travelers ng negatibong pre-departure COVID test na kinuha isang araw bago ang kanilang flight papuntang US.
Ipapakita ito sa airline bago sumakay ng eroplano.
Para naman sa mga kakarekober lang mula sa COVID, dapat ay dalhin ang documentation ng recovery gaya ng sulat mula sa licensed healthcare provider o public health official na nagsasabing cleared na ito para bumiyahe at gumaling na ito 90 araw bago ang flight.
Sa nakaraan, kung fully vaccinated ang pasahero sa US ay hindi lalagpas sa tatlong araw na negative COVID test ang dapat iprisinta.
Iniklian at hinigpitan ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang timeline sa required testing bilang pag-iingat sa Omicron variant.
Moira Encina