US government, kinumpirma ang cyberattack
WASHINGTON, United States (AFP) – Kinumpirma ng US government na nabiktima ng cyberattack ang kanilang computer networks, kung saan iniulat ng The Washington Post na hindi bababa sa dalawang departamento kabilang ang Treasury, sa naging target ng Russian state hackers.
Sinabi ng tagapagsalita para sa Cybersecurity and Infrastructure Security Agency (CISA), na nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang agency partners kaugnay ng nadiskubreng pag-atake kamakailan lamang sa government networks.
Ayon sa CISA, sa pamamagitan ito ng pagbibigay ng technical assistance sa mga naapektuhan ng cyberattack, habang inaalam na rin nila ang pagkakakilanlan sa gumawa nito at mapagaan ang potential compromises.
Sa ulat ay sinasabing ang cyberattack ay iniuugnay sa isa pang nangyaring pag-atake nitong nakalipas na linggo sa cybersecurity firm na FireEye, na nagsabing napasok ng sophisticated attackers ang kanilang “defenses,” at nanakaw ang tools na ginagamit nila para i-tset ang computer systems ng kanilang customers.
Ayon sa FireEye, may hinala sila na ang pag-atake ay “state-sponsored.”
Sa ulat naman ng US media, ay iniimbestigahan na ng Federal Bureau of Investigation (FBI), ang isang grupong nagtatrabaho para sa Russian foreign intelligence service na SVR, at ang mga pag-atake na ilang buwan nang nangyayari.
Ang kaparehong grupo rin ang napaulat na nang-hack sa US government agencies, sa panahon ng administrasyon ni dating US President Barack Obama.
Sinabi ni National Security Council spokesman John Ullyot, na aware naman ang gobyerno ng US sa mga ulat na ito ng mga pang-aatake, at ginagawa nila ang lahat ng angkop na mga hakbang upang matukoy at maremedyuhan ang anomang posibleng isyu na may kaugnayan dito.
© Agence France-Presse