US magdaragdag ng P400-M tulong para sa recovery ng mga naapektuhan ng bagyong Odette
Umaabot na sa Php1.4 bilyong ang halaga ng donasyon ng US para sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
Ito ay matapos ianunsiyo ng United States Agency for International Development (USAID) na magkakaloob ito ng dagdag na Php400 million na tulong para sa recovery ng mga naapektuhan ng kalamidad.
Mapupunta ang karagdagang assistance para sa emergency maternal and child health services, pagkumpuni ng nasirang health centers, at pagpapalawak sa protection services sa vulnerable persons
Gayundin, sa pag-suporta sa livelihood recovery para sa mga magsasaka at mangingisda,at sa pagtatayo muli ng mga bahay ng mga biktima sa ligtas na lokasyon.
Kaugnay nito, namahagi ang Bureau for Humanitarian Assistance ng USAID ng shelter supplies sa Barangay Caridad sa Pilar, Surigao del Norte.
Nakipag-pulong din ang grupo sa mga lokal na opisyal at sa mga USAID partners doon.
Tiniyak ng US na patuloy itong makikipagtulungan sa Pilipinas para sa recovery efforts at sa pagpapabuti sa pagresponde sa mga kalamidad.
Moira Encina