US magkakaloob ng dagdag na $11.3-M halaga ng COVID-19 assistance sa Pilipinas
Inanunsiyo ng US na magbibigay ito ng karagdagang $11.3 milyong na halaga ng COVID-19 assistance sa Pilipinas.
Ang pahayag ay inilabas ng National Security Council ng Estados Unidos matapos ang pakikipag-pulong ni US National Security Advisor Jake Sullivan kina Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin. Jr. at Defense Sec. Delfin Lorenzana sa Washington D.C.
Nagharap ang mga opisyal bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty.
Sinabi ng US na umaabot na $37 million ang naipagkaloob na tulong nito sa Pilipinas mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Ito ay maliban pa sa anim na milyong doses ng US-made vaccines na donasyon ng Amerika sa pamamagitan ng COVAX facility
Samantala, pinuri ni Sullivan ang Pilipinas sa pagtanggap ng Afghan refugees.
Tinalakay din sa pagpupulong ng mga opisyal ang nagpapatuloy na kooperasyon ng dalawang bansa sa paglaban sa terorismo at pagrespeto sa karapatang pantao.
Nakaharap din ni Locsin sa pagpunta niya sa US si Secretary of State Antony Blinken.
Pinag-usapan ng dalawa ang pagpapalakas pa sa alyansa at pagtutulungan ng Amerika at Pilipinas, ekonomiya at karapatang pantao.
Moira Encina