US, mamamahagi ng 6.4 million Covid-19 vaccine doses sa first tranche
WASHINGTON, United States (AFP) — Plano ng US na mamahagi ng 6.4 million doses ng Pfizer-BioNTech Covid-19 vaccine sa unang linggo, sa sandaling pahintulutan na itong gamitin for emergency na malamang na mangyari sa susunod na buwan.
Magpupulong sa December 10 ang isang komite ng Food and Drug Administration, para pagpasyahan kung ibibigay na ang go signal.
Sinabi ni General Gustave Perna, chief operations officer para sa Operation Warp Speed ng US government, na magiging available na sa katapusan ng Disyembre ang may 40 million doses ng bakuna.
Sa bilang na ito ay kasama na ang bakuna na dinivelop ng Moderna at ng National Institutes for Health, na una nang nag-anunsyo ng pagiging mabisa ng kanilang vaccine, at malapit na rin silang mag-apply para sa emergency use approval.
Ang Pfizer vaccine ay nangangailan ng ultra-cold long-term storage ng (-70) negative seventy degrees Celsius, at ang kompanya ay nag-develop ng special containers na may dry ice para mapanatili itong malamig ng hanggang 15-araw.
Ayon kay Perna, nakuha na ng 64 na lugar sa magkabilang panig ng Estados Unidos, na kinabibilangan ng 50 estado, teritoryo gaya ng Washington at Puerto Rico at Indian reservations, ang kanilang alokasyon.
Ang halagang kanilang natanggap ay katumbas ng bilang ng kanilang populasyon.
Mag-i-isyu naman ng mga rekomendasyon ang federal government kung sino ang dapat unahin, na malamang ay ang mga nakatatanda, high-risk people, at frontline workers, subalit ang hulisng pasya ay nasa mga lokal na awtoridad pa rin.
Sinabi ni health secretary Alex Azar, na ang pagbabakuna ay magsisimula sa retirement homes sa loob ng 48-oras matapos ibigay ang emergency use approval.
© Agence France-Presse