US Military nagkaloob ng C-130 aircraft sa Philippine Air Force
Nai-turn over na ng mga kinatawan mula sa US Embassy ang isa sa dalawang C-130H Hercules Aircraft sa mga liderato ng Department of National Defense at Philippine Air Force.
Ayon sa US Embassy, nagkakahalaga ng Php1.54-B ang nasabing tactical airlift capability.
Ang aircraft ay iginawad sa pamamagitan ng Foreign Military Financing grant program.
Layon nito na mapalakas ang logistical capacity ng militar ng Pilipinas para sa civil support at military operations kabilang na ang mga humanitarian assistance at disaster relief, at distribusyon ng COVID-19 supplies.
Ang C-130H Hercules ay mayroong maximum payload na 19,000 kilograms, at flying range na higit sa 1,900 kilometers.
Ang 220 Airlift Wing sa Philippine Air Force Brigadier General Benito N. Ebuen Air Base sa Cebu ang magma-may-ari at mag-o-operate ng naturang aircraft.
Moira Encina