US Military, nagsagawa ng Medical assistance at first Responder training sa Palawan
Nagsanib puwersa ang US Military at Philippine Coast Guard sa pagkakaloob ng medical assistance sa Palawan.
Ayon sa US Embassy, nagbigay ng mga gamot ang US Civilian Military Support Element – Philippines sa Medical Civic Action Program na pinangisawaan ng Philippine Coast Guard District Palawan at iba pang local partners sa Sibaltan, Palawan.
Sa pamamagitan ng nasabing programa ay napagkalooban ang 410 katao ng libreng medical, dental at eye consultations, gamot, reading glasses, personal hygiene at dental kits, school supplies, at sandals.
Isinagawa ito sa open-air gymnasium at mahigpit na sinunod ang COVID health protocols para matiyak na ligtas ang mga lumahok.
Kaugnay nito, nagsagawa din ang US Civilian Military Support Element ng pagsasanay sa 24 na first responders mula sa PCG District Palawan- El Nido and Puerto Princesa Stations, Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at El Nido Emergency Medical Services.
Nakatuon ang training sa mga injuries na madalas na nangyayari sa search and rescue operations para lumawig ang medical capabilities ng mga first responders sa pangangalaga sa mga sugatang mamamayan sa panahon ng sakuna o kalamidad.
Meanne Corvera