US nagbabala sa banta ng Ebola, matapos magkaroon ng outbreak sa Africa
WASHINGTON, United States (AFP) — Nagbabala ang Estados Unidos tungkol sa banta ng Ebola virus, matapos makumpirma ang mga kaso nito sa Guinea at Democratic Republic of Congo.
Lima katao ang nasawi sa Guinea dahil sa Ebola virus — ang unang outbreak sa West Africa makaraan ang 2013-2016 epidemic, na ikinasawi ng higit 11,300 katao sa Guinea, Liberia at Sierra Leone.
Sa Democratic Republic of Congo, sa central Africa, ay sinimulan na ang Ebola vaccination drive matapos lumitaw ang apat na kaso, kung saan dalawa ang namatay, halos tatlong buwan pa lamang makaraan ang huling outbreak ng sakit sa bansa.
Sinabi ni White House Press Secretary Jen Psaki, na sunod-sunod na namang lumitaw ang Ebola kapwa sa Central at West Africa, at nangakong makikipagtulungan ang US sa World Health Organization (WHO) at gobyerno ng mga bansang apektado ng sakit.
Ayon kay Psaki . . . “The world cannot afford to turn the other way. We must do everything in our power to respond quickly, effectively.”
Ang 2013-2016 epidemic ay nagsimula sa Guinea sa kaparehong rehiyon sa bahaging timog-silangan, kung saan natuklasan ang mga bagong kaso.
Ang virus na pinaniniwalaang nagmula sa mga paniki, ay unang nadiskubre noong 1976 sa Zaire na ngayon ay tinatawag nang Democratic Republic of Congo.
Ang Ebola ay nagdudulot ng malubhang lagnat, at sa pinakamalalang kaso ay walang humpay na pagdurugo. Ito ay naisasalin sa pamamagitan ng close contact at bodily fluids, at ang mga taong naninirahan kasama o nag-aalaga ng mga pasyenteng may Ebola ang may pinakamataas na tyansang mahawa nito.
© Agence France-Presse