US President-elect Joe Biden sinimulan na ang transition; Trump, tumangging mag-concede


Sinimulan na ni US President-elect Joe Biden ang unang hakbang sa paglipat sa White House sa loob ng 73 araw, habang patuloy naman ang pagtanggi ni Donald Trump na tanggapin ang pagkatalo at pagtatangkang magkalat ng pagdududa sa resulta ng eleksyon.

Habang bumubuhos ang mga pagbati mula sa lider ng ibat-ibang mga bansa, inilunsad naman ni Biden at Vice President-elect Kamala Harris ang isang transition website, ang BuildBackBetter.com, at isang Twitter feed, ang @Transition46.

Apat na priority ang nasa talaan ng transition ni Biden: Covid-19, Economic recovery, Racial equity at Climate change.

Nakasaad dito na ang mga nabanggit na hamon ay haharapin ng bubuuing team sa unang araw, na tumutukoy sa January 20, 2021 kung kailan manunumpa si Biden builang ika-46 na Pangulo ng Estados Unidos.

Si Biden, na magiging 78 anyos na sa kaniyang birthday sa November 20, ay ang pinakamatandang nahalal bilang Pangulo ng America, habang ang 56-anyos naman si Harris, na isang senador mula sa California, ang kauna-unahang babae, unang Black person, at unang South Asian na nahalal bilang Vice-President ng Amerika.

Samantala, plano ni Trump na maghain ng serye ng lawsuits sa susunod na linggo.

Ayon sa abogado nito na si Rudy Giuliani, maraming ebidensya si Trump ng nangyaring dayaan.

Ang kampo ni Trump ay naghanda ng legal challenges sa resulta ng halalan sa ilang estado, subalit walang ebidensyang lumitaw ng anomang malawakang iregularidad na makaaapekto sa resulta ng eleksyon.

Sa kaniyang pagsasalita sa “State of the Union” ng CNN kahapon, ibinasura ng senior advisor ni Biden na si Symone Sanders ang court challenges ng kampo ni Trump sa pagsasabing ito ay isang “baseless legal strategies.”

Si Biden ay nakakuha ng halos 74.6 million votes kumpara sa 70.4 million ni Trump sa buong Estados Unidos, at mayroong 279-214 lead sa Electoral College.

Nanguna rin si Biden sa Arizona, na may 11 electoral votes, at sa Georgia, na may 16 electoral votes.

Dalawang Republicans Senators lamang ang bumati kay Biden, sina Mitt Romney at Lisa Murkowski.

Malugod ding tinanggap ng financial markets ang pagwawagi ni Biden, kung saan kagabi ay tumaas ang shares sa Tokyo at Hong Kong, maging ang US futures sa Wall Street.

Kabilang sa mga nagpaabot ng pagbati kay Biden ang mga lider ng Britain, France, Germany, Italy, Spain at iba pang European countries, gayundin ang Australia, Canada, India, Indonesia, Israel, Japan at South Korea.

Sinabi naman ni Mexican President Andres Manuel Lopez Obrador, na hihintayin muna niyang maresolba ang lahat ng legal challenges, habang ang ka-alyado naman ni Trump na si President Jair Bolsonaro ng Brazil ay hindi pa nagpapalabas ng kaniyang official comment.

Isinulat ni Liza Flores

Please follow and like us: