US security assistance roadmap sa Pilipinas, kukumpletuhin sa susunod na 5 hanggang 10 taon – US Defense Chief
Nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na kumpletuhin ang roadmap ukol sa US security assistance sa Pilipinas sa loob ng susunod na lima hanggang sampung taon.
Ito ang inihayag ni US Defense Secretary Lloyd Austin kasunod ng isinagawang 2+2 ministerial dialogue sa pagitan ng mga defense at diplomatic officials ng dalawang bansa.
Kaharap sa nasabing pagpupulong sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Officer-in-Charge Carlito Galvez Jr. at US Secretary of State Antony Blinken.
Sinabi ni Austin na tinalakay sa isinagawang pagpupulong sa Washington ang paghahatid ng mga priority defense platforms na ipinangako ng Amerika gaya ng radars, drones, military transport aircraft at coastal and air defense system.
Naganap ang pagpupulong kasabay sa paglulunsad ng pinakamalaking military exercise sa pagitan ng dalawang bansa sa ilalim ng Balikatan Exercises.
Kalahok sa joint military drill ang nasa 17,000 tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Armed Forces.
Paglalarawan ni Sec. Austin “It is the largest and most complex iteration in the exercise’s history.” “Now the commitments that we made today will further integrate our strong bilateral ties into multilateral networks, including with Japan and Australia,” dagdag pa ng US official.
Kasama rin sa tinalakay ang “combined maritime activities with like-minded partners” sa bahagi ng South China Sea sa huling bahagi ng taon.
Weng dela Fuente/AFP