Usaping may kinalaman sa pambansang seguridad hindi sakop ng right to information, ayon sa OSG
Ipinunto ng Office of the Solicitor General na hindi sakop ng right to information ang mga usaping may kinalaman sa pambansang seguridad.
Ito ay batay sa inihaing komento ng OSG sa Korte Suprema kaugnay sa mga petisyong humihiling na atasan na mag-joint session ang Kongreso para kilatisin ang deklarasyon ng Martial aw sa Mindanao.
Ayon sa OSG, mali ang mga petitioners na sabihin na napagkakaitan ang publiko ng nasabing karapatan dahil sa kabiguan na mag-convene ang Senado at Kamara para talakayin ang basehan ng Proclamation 216 ni Pangulong Duterte.
Iginiit ni Solicitor General Jose Calida na may limitasyon at hindi absolute ang right to information.
Binanggit ni Calida ang ruling mismo ng Supreme Court sa kasong Sereno vs NEDA kung saan idineklara ng SC na di saklaw ng right to info ang mga security matters at intelligence information.
Binigyang diin pa ni Calida na kung magku-convene ang Kongreso ay tiyak na matatalakay ng mga mambabatas at mga military officials ang mga sensitibong impormasyon at iba pang mga military at intel information na pawang highly confidential.
Dahil dito nasa interes aniya ng National Security at public safety ang paghihigpit sa partisipasyon sa deliberasyon ng Kongreso sa isyu.
Ulat ni: Moira Encina