UST civil law Dean Nilo Divina sasampahan din ng reklamo ng pamilya ni Horacio Castillo III .
Kakasuhan din ng mga magulang ni Horacio Castillo III sa DOJ ng paglabag sa Anti-hazing law si UST civil law Dean Nilo Divina at iba pang mga opisyal ng naturang unibersidad.
Sa preliminary investigation ng DOJ sa Atio hazing case, sinabi ng abogado ng pamilya castillo na si Lorna Kapunan na maghahain sila ng karagdagang complaint-affidavit para isama sa mga respondent sina Divina.
Ayon kay Kapunan, batay sa naging pagdinig ng senado, lumalabas na mayroong cover-up sa kaso ng pagkamatay ni Atio.
Kaugnay nito, maghahain naman ang Manila Police District-homicide section ng mga karagdagang salaysay at ebidensya.
Pinagbigyan ang mga complainant ng DOJ panel of prosecutors na pinamumunuan ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ng hanggang october 9 para isumite ang dagdag nilang affidavit at ebidensya.
Itinakda naman ng panel sa october 24 ang paghahain ng kontra salaysay ng mga respondent.
Dumalo sa hearing ang pangunahing suspek na si John Paul Solano na magsusumite na sana ng kanyang counter-affidavit pero hindi itinuloy dahil sa dagdag na affidavit na ihahain ng mga complainant.
Humarap din ang isa pang respondent na si Jason Robinos na una nang lumutang sa Senado at sa MPD para linisin ang kanyang pangalan na handa na rin sanang maghain ng kanyang depensa
Ulat ni Moira Encina