Utang ng Pilipinas na Php 11.9-T, maituturing na mababa pa kumpara sa ibang bansa sa ASEAN —ekonomista
Mababa pa raw ang outstanding debt ng Pilipinas na mahigit Php 11.9 trillion kung ikukumpara sa ibang bansa sa ASEAN at mga mauunlad na bansa.
Batay sa report ng Bureau of Treasury, lumobo sa Php11.91 trillion ang utang ng gobyerno sa katapusan ng Setyembre.
Sa panayam ng programang ASPN, sinabi ni RCBC Chief Economist Michael Ricafort na dapat ang maging sukatan sa performance ng bansa ay kung gaano ang porsyento ng ekonomiya ang utang ng Pilipinas.
Sa datos aniya, nasa 60% ang debt-to-gross domestic product ng bansa sa unang anim na buwan.
Ang debt-to-GDP ratio ay ang kakayanan ng ekonomiya ng bansa na mabayaran ang mga obligasyon o utang nito.
Pero, nilinaw ni Ricafort na mababa pa ito kumpara sa mga katabing bansa sa Asya at maging sa ibang developed countries na nasa 70% hanggang 90%.
Una na ring sinabi ng Department of Finance na ikinukonsidera ng mga credit raters na manageable ang 60% debt-to-GDP ng bansa.
Paliwanag pa ni Ricafort, hindi nangangahulugan na negatibonang mga nasabing borrowings ng gobyerno.
Hindi aniya naiwasan na umutang ng bansa at lumaki ito dahil sa pandemya.
Bago aniya ang COVID crisis, napababa na ito sa mahigit 39% ng pamahalaan noong 2019 na historic low.
Ayon kay Ricafort, ang mababang debt-to-GDP ratio na 39.6% ng bansa sa pagpasok ng 2020 ay nakatulong kaya hindi gaano kalaki ang borrowings ng Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.
Kampante naman ang ekonomista na makakaahon at makababawi ang ekonomiya ng bansa lalo na’t unti-unti nang nagbubukas ang mga negosyo at ang turismo.
Moira Encina