Utos na patigilin ang operasyon ng Lyka bilang operator of payment systems (OPS), pinanatili ng BSP
Mananatiling suspendido ang operasyon ng social media application na Lyka bilang operator of payment systems (OPS).
Ito ay matapos ibasura ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kahilingan ng Digital Spring Marketing and Advertising, Inc. (Digital Spring) na marehistro bilang OPS ng Lyka/Things I Like Company Ltd (TIL) Payment System.
Iginiit ng BSP na ang Lyka/TIL ang dapat na magrehistro bilang OPS sa central bank at hindi ang Digital Spring.
Dahil dito, epektibo pa rin ang cease-and-desist order na inisyu ng BSP laban sa Lyka hanggang sa magrehistro ito bilang OPS alinsunod sa mga batas at regulasyon.
Pinapayagan ng Lyka ang mga users nito na makabili, magpalitan, at gumamit ng GEMs o Gift cards in Electronic Mode bilang pambayad sa mga produkto at serbisyo.
Sinabi ng BSP na dahil sa mga nasabing aktibidad ang Lyka ay isang OPS kaya dapat itong magrehistro para maipagpatuloy ang operasyon.
Ang mga halimbawa ng OPS ay ang cash-in service providers at bills payment service providers.
Mga OPS din ang mga entities gaya ng payment gateways, platform providers, payment facilitators at merchant acquirers na nagpapahintulot sa mga nagtitinda ng produkto at serbisyo na tumanggap ng bayad in cash o kaya ay digital form.
Patuloy na hinihimok ng BSP ang publiko na gamitin lamang ang payments services ng mga rehistradong OPS.
Moira Encina