Utos ni PRRD na pag-neutralize sa mga rebeldeng komunista, ipinagtanggol sa Senado
Idinepensa ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na shoot to kill o patayin ang mga rebeldeng komunista.
Sa deliberasyon ng Senado sa Committee report ng Senate Defense Committee sa isyu ng red tagging , inungkat ni Senator Richard Gordon ang pagkamatay ng siyam na aktibista.
Ayon kay Gordon, ang siyam na napatay sa isang military at police operations sa Batangas, Cavite, Laguna at Rizal ay naganap dalawang araw matapos sabihin ng Pangulo ang shoot to kill order.
Pero depensa ni Dela Rosa hyperbolic lang ang instructions ng Pangulo.
Batay sa pagkakakilala nya sa Pangulo kahit noong alkalde pa ito at sya ang pinuno ng PNP sa Davao ay walang utos ang Pangulo na iligal.
Aniya isang abogado at naging prosecutor ang Pangulo at hindi ito mag-uutos ng iligal at labag sa batas.
Sinuportahan naman ni Senator Ping Lacson ang pahayag ni Gordon.
Bilang Commander in Chief kailangan aniyang maging maingat ang Pangulo .
Kailangan aniyang may malinaw na Guidelines dahil nalalagay sa panganib ang buhay ng mga sibilyan.
Meanne Corvera