Vaccination card at pagsusuot ng face mask, hindi na obligado sa tourism enterprises– DOT
Nag-isyu ang Department of Tourism (DOT) ng mga panuntunan para mas lumuwag ang mga health at safety protocol sa tourism establishments sa bansa.
Sa memorandum circular na inilabas ng DOT, sinabi na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask at hindi na obligado ang pagpiprisinta ng COVID-19 vaccination card sa tourism enterprises.
Ang hakbang ay upang mas maging bukas ang bansa sa mga turista at matugunan ang pagtama ng pandemya sa sektor ng turismo.
Sa ilalim din ng bagong sirkular, iniutos din ng ng DOT ang pag-alis sa naunang requirement na paglalagay ng plastic, acrylic barriers at dividers.
Pinapatanggal na rin ang signages, visual cues at iba pang installations ukol sa mandatory Covid protocols.
Inanunsiyo rin ng DOT na hindi na ito magiisyu ng PH Safety Seal at World Travel and Tourism Council (WTTC) Safe Travels Stamp (STS) sa tourism enterprises.
Moira Encina