Vaccination program para sa mga Health worker sa Maynila, ipinagpatuloy ngayong araw
Muling ipinagpatuloy ngayong araw ang pagpapabakuna kontra COVID-19 para sa mga Health worker sa Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ito ay matapos may dumating na karagdagang 3,930 doses ng AstraZeneca at 308 doses ng Sinovac vaccines mula sa National Government kahapon.
Target aniya nilang makapagbakuna ng 2,152 indibidwal.
Ang mga nais aniyang magpabakuna ng AstraZeneca maaaring pumunta sa Ospital ng Maynila Medical Center habang kung Sinovac vaccines sa Sta. Ana Hospital.
Ayon sa alkalde maliban sa Medical frontliners, kasama rin sa mababakunahan ang ilang personnel ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office personnel, contact tracers, social workers, mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS) at BJMP personnel.
Umapila naman si Mayor Isko sa lahat lalo sa mga kabilang sa priority sectors na huwag sayangin ang pagkakataon na mabakunahan na kontra Covid-19.
Sa pinakahuling datos ng Manila LGU, nasa 5,406 Health workers na ang nabakunahan sa Lungsod.
Madz Moratillo