Vaccine czar secretary Carlito Galvez , pipiliting makarating sa Phl ang Sinovac vaccine ng China ngayong buwan
Sisikapin ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na makarating sa Pilipinas ang Sinovac Anti COVID 19 vaccine na donasyon ng bansang China bago matapos ang buwan ng Pebrero.
Ito ang inihayag ni Secretary Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng Inter Agency Task force o IATF sa Malakanyang kasabay ng regular na talk to the people ng Chief Executive.
Sinabi ni Galvez na tinatapos na ng Pilipinas at China ang mga documentary requirements tulad ng export at import permits ganun din ang deed of acceptance.
Ayon kay Galvez sa loob ng tatlong araw ay maaaring maipadala na ng China ang 600,000 doses ng Sinovac anti COVID 19 vaccine sakay ng military aircraft .
Idinagdag ni Galvez na sa sandaling makarating sa bansa ang Sinovac ay agad na pasisimulan ang pagbabakuna sa mga gustong magpabakuna.
Niliwanag ni Galvez nakahanda ang mga Local Government Units na tumulong para sa rollout ng Sinovac batay sa order of priority na ilalabas ng National Immunization Technical Advisory Group o NITAG.
Vic Somintac