Vaccine manufacturers iginiit na dapat igalang ang kontrata sa pagbili ng bakuna
Dumepensa ang Department of Health sa umano’y hindi pakikipagtulungan sa Commission on Audit para mabusisi ang ginastos ng gobyerno sa COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health OIC Secretary Maria Rosario Vergeire, handa naman silang makipagtulungan sa imbestigasyon pero kailangan pa ang pahintulot ng mga vaccine manufacturer para mailabas ang detalye ng mga kontrata.
Paliwanag ni Vergeire, October pa noong nakaraang taon sumulat na sila sa mga kumpanyang ito para mailabas ang mga dokumento batay na rin sa hiling ng COA at imbestigasyon ng Senado.
Ang kumpanyang Pfizer, pumayag na isumite ito sa COA pero hindi isasapubliko at dapat lumabas ang detalye sa pamamagitan lang ng executive session sa Senado.
Habang ang Sinovac hindi pumayag na ilabas ang anumang detalye lalo na ang presyo ng bakuna.
Samantalang ang AstraZenica naman pumayag na ilabas ang impormasyon pero dapat maging maingat sa magiging recipient.
Sinabi pa ni Vergeire , ipinaalam na raw nila ito sa COA pero tinanggihan ng ahensya at iginiit na hindi sila sakop ng kasunduan.
Meanne Corvera