Vaccine storage facility ng Manila LGU bukas maging sa ibang lungsod at ahensya ng gobyerno
Bukas ang vaccine storage facility ng lokal na pamahalaan ng Maynila maging sa ibang lungsod at ahensya ng gobyerno na mangangailangan nito para sa storage ng kanilang COVID-19 vaccines.
Ito ang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno kasunod ng ginawang inagurasyon sa vaccine storage facility ng lungsod sa Sta. Ana Hospital.
Ayon kay Mayor Isko, sa panahong ito ng pandemya dapat ay matulungan ang lahat.
Matapos naman ang inagurasyon sa nasabing pasilidad, sinabi ng alkalde na handa na ang Manila LGU sa pagdating ng mga bakuna.
Ang cold storage facility ng Maynila ay mayroong 12 refrigeration units na maaaring pag imbakan ng ibat ibang brand ng COVID-19 vaccines depende sa temperaturang kailangan nito.
Mayroon rin itong 11 CCTV cameras na magtatrabaho 24/7 at 6 na data loggers para matiyak ang seguridad ng mga bakuna.
Ayon kay Sta. Ana Hospital Biomedical Specialist Walter Rigonan, hanggang sa mahigit 50 libong vials ng bakuna ang kayang ma-accommodate ng nasabing pasilidad.
Madz Moratillo