Valtrace contact tracing app, Ilulunsad sa Valenzuela City
Ilulunsad ang VALTRACE APP na siyang gagamitin sa pagpasok sa bawat establisyimento sa lungsod ng Valenzuela sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Simula sa Nobyembre 16 ay hihingin at ipatutupad na ang pag-scan sa QR CODE sa bawat enclosed establishment sa lungsod tulad ng malls, groceries, bangko at iba pa.
Layunin ng VALTRACE APP na mas mapabilis at gawing ligtas ang contact tracing dahil marami ang nangangambang mahawa sa panulat na ginamit sa tuwing magpi-fill out sa contact tracing form.
Sa pamamagitan ng nasabing App ay hindi na kailangan pang magsulat sa contact tracing form sa bawat establisyimento na pupuntahan basta’t Ipakita lang ang unique QR Code para sa scanning.
Ang record ng mga napuntahan ay direktang maitatala sa data base ng Mega Contact Tracing Center ng Valenzuela.
Simula ngayong araw ay maaari nang idownload ang QR CODE sa mga cellphone. Magsign up sa valtrace.appcase.net at sagutan ang online form at i-click ang submit. Isang QR CODE lang sa bawat tao.
Ang serbisyong ito ay libre at pwedeng gamitin ng mga taga-Valenzuela man o hindi. Pero kailangan pa ring dalhin ang quarantine pass tuwing lalabas dahil ang QR CODE ay kakailanganin lamang sa tuwing papasok ng mga establisyimento.
“ NO QR CODE, NO ENTRY “. Kaya’t pinaaalalahanan ang lahat na mag-download na para na rin hindi maabala.
Kristine Dantes