Vanuatu nakapagtala na ng una nilang kaso ng COVID-19
WELLINGTON, New Zealand (AFP) — Nakapagtala na ang Vanuatu ng una nilang kaso ng COVID-19.
Bunsod nito, hindi na ito kabilang sa ilang mga bansa sa mundo na namamalaging virus-free.
Ayon sa health department, isang 23 anyos na lalaki na kararating lamang mula sa Estados Unidos, ang nakumpirmang may COVID-19 matapos siyang masuri habang naka-quarantine.
Sa isang pahayag ay sinabi ng health department na ang kasong na-detect sa quarantine ay ikinukonsiderang isang border case at hindi isang outbreak, at nagpapatupad na rin health protocols upang mapigilan ang pagkalat nito.
Nabatid na ang lalaki na asymptomatic, ay inihiwalay sa iba pang mga pasahero habang nasa biyahe patungong Vanuatu bilang pag-iingat, dahil galing ito sa isang high-risk location.
Sumunod din ito sa lahat ng social distancing rules pagdating sa Vanuatu, habang nagsagawa na rin ng contact tracing sa lahat ng taong nasa kaniyang bisinidad.
Noong Marso ay isinara ng Vanuatu ng kanilang borders upang hindi sila madamay sa pandemya, at kamakailan lamang pinayagan ang isang “strictly controlled” repatriation flights.
Naging mabilis ang mga bansa sa Pacific island sa pag-isolate sa kanilang sarili sa kabila ng magiging epekto nito sa kanilang ekonomiya, sa takot na ang mahina nilang health infrastructure ay maging dahilan upang madamay sila sa pandemya.
Bilang resulta, ang remote island nations at territories ng iribati, Micronesia, Nauru, Palau, Samoa, Tonga, at Tuvalu ay pinaniniwalaang virus-free pa rin.
Nito namang nakalipas na buwan ay nawala na ang virus-free status ng Solomon Islands at Marshall Islands, bagamat gaya ng Vanuatu, ay naiwasan nila ang community transmission.
© Agence France-Presse