‘Vax Live’ concert sa Los Angeles pinangunahan ni Prince Harry at J-Lo
LOS ANGELES, United States (AFP) – Pinangunahan ni Prince Harry ng Britanya kasama ang pop royalty na kinabibilangan ni Jennifer Lopez, ang isang star-studded concert sa Los Angeles upang humikayat ng mas mabilis na pagbabakuna sa mas marami pang bansa sa buong mundo.
Ang ‘Vax Live: The Concert To Reunite The World’ ay kinatatampukan ng video messages mula kay US President Joe Biden at may in-person appearances din mula sa Hollywood stars, gaya nina Ben Affleck at Sean Penn.
Ang naturang konsiyerto ay ipalalabas sa telebisyon at YouTube sa May 8, matapos mapanood ng libu-libong fully vaccinated spectators sa napakalawak na California stadium nitong Linggo.
Sa kanyang mensahe ay sinabi ni Prince Harry . . . “Tonight, we stand in soludarity with the millions of families across India, who are battling a devastating second wave. The virus does not respect borders, and access to the vaccine cannot be determined by geography.”
Ito ang unang in-person appearance ni Prince Harry sa isang major public event sa California, mula nang lumipat ito noong nakaraang taon sa Estados Unidos kasama ng asawang si Meghan Markle.
Layunin ng konsiyerto na inorganisa ng Global Citizen, isang international advocacy organization, na labanan ang vaccine disinformation habang nananawagan sa lider ng mga bansa at korporaayon, na kumilos at magbigay ng donasyon.
Sa unang pagkakataon, libu-libong spectators ang nagtipon-tipon sa loob ng higanteng katatapos lamang itayong SoFi stadium sa Los Angeles.
Karamihan sa mga dumalo ay frontline medical workers, marami ang nakasuot ng uniporme ng nurse at doktor.
Ang Selena Gomez naman ang namahala sa proceedings, kung saan nanawagan ito ng donasyon ng bakuna at salapi para sa pinakamahihirap na mga bansa sa mundo.
Ayon sa organizers, nalampasan ng event ang fundraising goal na kinakailangan para makabili ng 10 milyong vaccine doses para sa low at middle-income countries, kung saan nakalikom ng higit sa 53 million US dollars na donasyon mula sa mga korporasyon at pilantropo.
Sa kanya namang pre-taped messages, sinabi ni US President Joe Biden . . . “Working with leaders around the world to share more vaccines and boost production, I beg you not to forget the most vulnerable.”
Ang iba pang video messages ay nagmula sa Bollywood superstar na si Amitabh Bachchan, French President Emmanuel Macron at Canadian Prime Minister Justin Trudeau.
Bukod sa YouTube, mapapanood din ang concert sa American Television networks ABC at CBS sa May 8 at maging sa Globo sa Brazil, Caracol sa Columbia, SABC sa South Africa at MultiChoice sa Africa.
@agemce france-presse