Venezuela President Maduro, muling nahalal bilang pangulo ng bansa
Muling nahalal bilang pangulo ng Venezuela, si incumbent President Nicolas Maduro matapos makakuha ng 51.2 percent na boto batay sa anunsiyo ng electoral council.
Sinabi ni Elvis Amoroso, pangulo ng CNE electoral body na tapat sa gobyerno, na ang 44.2 percent ng mga boto ay napunta naman sa opposition candidate na si Edmundo Gonzalez Urrutia.
Ito na ang ikatlong panalo ng 61-anyos na si Maduro, sa dating mayamang petro-state kung saan ang GDP ay bumagsak ng 80 percent sa isang dekada, na nagtulak sa mahigit pitong milyon mula sa 30 milyon nilang mga mamamayan para mag-emigrate.
Nasa kapangyarihan na mula pa noong 2013, si Maduro ay inaakusahan ng pagpapakulong sa kaniyang mga kritiko at pangha-harass sa oposisyon.
Ayon sa Independent polls, ang halalan nitong Linggo ang maaaring tumapos sa 25 taon ng tinatawag nilang “Chavismo,” ang populist movement na itinatag ng socialist predeccesor ni Maduro na si Hugo Chavez.
Si Gonzalez Urrutia ang pumalit sa popular na opposition leader na si Maria Corina Machado sa ticket, matapos siyang alisin ng mga awtoridad na tapat kay Maduro sa presidential race.
Hinimok ni Machado ang mga botante na manatiling nagbabantay sa mga polling station, sa panahon ng bilangan sa gitna ng malawak na pangamba ng dayaan.
Ang eleksiyon nitong Linggo ay produkto ng isang ‘mediated deal’ na napagkasunduan noong isang taon sa pagitan ng gobyerno at oposisyon.
Ang kasunduan ang nagtulak sa Estados Unidos na pansamantalang luwagan ang mga sanction na ipinataw nito pagkatapos mahalal si Maduro noong 2018, na tinutulan at itinuring namang ‘sham’ ng maraming Western at Latin American countries.
Subalit ang mga sanction ay muling ibinalik, makaraang talikuran ni Maduro ang napagkasunduang mga kondisyon.